USM-SWK, Nakiisa sa Pambansang Kumperensiya sa Saliksik, Sagip, Sulong Wika at Panitikang Mindanao

USM Adds 31 New Fisheries Professionals

October 8, 2026

USM Launches ₱4.99-M DOST-PCIEERD-funded Geohazard Center

October 9, 2026

USM Adds 31 New Fisheries Professionals

October 8, 2026

USM Launches ₱4.99-M DOST-PCIEERD-funded Geohazard Center

October 9, 2026

Nakiisa ang University of Southern Mindanao–Sentro ng Wika at Kultura (USM-SWK) sa Pambansang Kumperensiya sa Saliksik, Sagip, Sulong Wika at Panitikang Mindanao na ginanap noong 23–25 Setyembre 2026 sa Caraga State University, Ampayon, Lungsod ng Butuan. Pinangunahan ng Direktor ng USM-SWK na si Dr. Radji A. Macatabon ang delegasyon ng pamantasan sa nasabing kumperensiya.

Kabilang sa mga kinatawan mula sa USM ang mga guro at mananaliksik na katuwang ng DepEd Schools Division Office (SDO) ng Lungsod ng Kidapawan, sina Dr. Alma F. Agustin, Public Schools District Supervisor; Dr. Madonna M. Along, Education Program Supervisor; at dalawang guro sa Filipino. Dumalo rin ang tatlong guro mula sa Cotabato Foundation College of Science and Technology at dalawang guro mula sa Sultan Kudarat State University–Kalamansig Campus.

Dinaluhan ang kumperensiya ng mga guro, mananaliksik, at mga mag-aaral sa Filipino mula sa iba’t ibang pamantasan at paaralan sa buong bansa. Layunin nitong bigyang-diin ang mahalagang papel ng wikang Filipino bilang wika ng pananaliksik at malikhaing pagpapahayag, gayundin ang pagpapahalaga sa panitikan bilang salamin ng kultura at mahalagang kasangkapan sa pagpapalaganap at pagpapaunlad ng wika.

Isa sa mga naging tagapagsalita sa kumperensiya si Dr. Radji A. Macatabon, direktor ng USM-SWK, na naglahad ng kaniyang talakayan hinggil sa “Dokumentasyon ng mga Wika sa SOCCSKSARGEN.” Ibinahagi niya ang kaniyang mga karanasan, pamamaraan, at mahahalagang pananaw mula sa mga kasalukuyan niyang pananaliksik na nakatuon sa dokumentasyon at pagpapaunlad ng mga katutubong wika sa rehiyon.

Kabilang sa mga pananaliksik na ibinahagi ni Dr. Macatabon ang Dokumentasyon ng Wikang Mënubù Dulàngan at ang pagbuo ng ortograpiya ng mga wikang Ubu Monuvu at Mënubù Dulàngan.

Naging tagapagsalita rin si Dr. Alma F. Agustin, Public Schools District Supervisor ng DepEd SDO Lungsod ng Kidapawan, na nagbahagi ng mga piling pananaliksik pangwika na isinagawa sa SDO Lungsod ng Kidapawan. Ipinakita sa kaniyang pagbabahagi ang mga inisyatiba at gawaing pananaliksik na naglalayong suportahan ang pagpapaunlad ng pagtuturo at paggamit ng wika sa larangan ng edukasyon.

Isinagawa ang pambansang kumperensiya sa pakikipagtulungan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sa pangunguna ng Tagapangulo na si Atty. Marites A. Barrios-Taran, kasama ang mga Komisyuner ng KWF, Sahamahan ng mga Guro at iba pang Propesyunal sa Wika, Inc. (SAGIP-Wika), at mga direktor ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) mula sa iba’t ibang pamantasan sa Mindanao.

Sa pamamagitan ng naturang pagtitipon, napalakas ang ugnayan ng mga guro, mananaliksik, institusyong pang-edukasyon, at mga tagapagtaguyod ng wika at panitikan sa Mindanao. Naging mahalagang pagkakataon din ito upang maibahagi ang mga pananaliksik, karanasan, at inisyatiba tungo sa patuloy na pagsasaliksik, pagsagip, at pagsusulong ng mga wika at panitikan sa Mindanao.

Text: Jolly D. Samulde

USM-SWK, Nakiisa sa Pambansang Kumperensiya sa Saliksik, Sagip, Sulong Wika at Panitikang Mindanao
This website uses cookies to improve your experience. By using this website you agree to our Data Protection Policy.
Read more