USM, KWF Pinasimulan ang Bahay Wika at Ortograpiya ng Mënubù Dulángan

BIOnihan Para sa Kalikasan Extends to Agriculture; USM Microbiology Expert Trains Columbio Farmers on Biofertilizer Production, Application

July 13, 2026

USM, DepEd Kidapawan, at KWF Isinulong ang Pangangalaga sa Wikang Obu Monuvu sa Pamamagitan ng Ortograpiya

July 13, 2026

BIOnihan Para sa Kalikasan Extends to Agriculture; USM Microbiology Expert Trains Columbio Farmers on Biofertilizer Production, Application

July 13, 2026

USM, DepEd Kidapawan, at KWF Isinulong ang Pangangalaga sa Wikang Obu Monuvu sa Pamamagitan ng Ortograpiya

July 13, 2026


Nagpatuloy ang University of Southern Mindanao (USM), katuwang ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sa pagsisikap na mapanatili at mapalakas ang wikang Mënubù Dulángan sa pamamagitan ng groundbreaking ng Bahay Wika at pagsisimula ng pagbuo ng ortograpiya para sa katutubong pamayanan noong Hulyo 8, 2026 sa Barangay Kulaman, Senator Ninoy Aquino (SNA), Sultan Kudarat.

Nakibahagi sa groundbreaking ceremony ang mga kinatawan ng USM, KWF, Sangguniang Bayan ng SNA, Department of Education (DepEd) Sultan Kudarat Division, mga guro ng Indigenous Peoples Education (IPEd), mga nakatatanda ng Mënubù Dulángan, mga miyembro ng komunidad, at mga mag-aaral.

Bagama’t inilunsad ang Bahay Wika bilang programa para sa mga nanganganib nang mawala na wika, iba ang magiging papel nito sa Senator Ninoy Aquino. Dahil patuloy pang ginagamit ang wikang Mënubù Dulángan, magsisilbi itong sentro ng pagkatuto kung saan mas mapapalalim ng mga bata ang paggamit ng kanilang sariling wika. Dito rin ilalagak ang ortograpiya at iba pang kagamitang pampagkatuto ng komunidad.

Mula sa pagtatayo ng Bahay Wika, sinimulan din ang pagbuo ng ortograpiya ng Mënubù Dulángan. Pinangunahan ng mga mananaliksik ng KWF ang isang orientation kasama ang mga guro ng IPEd at mga nakatatanda ng Mënubù Dulángan mula sa anim na bayan ng Sultan Kudarat upang talakayin ang proseso ng pagbuo nito.

Malugod namang tinanggap ni Hon. Rafael George L. Flauta III, Alkalde ng Senator Ninoy Aquino, ang programa at nagpasalamat sa KWF sa pagbisita at pagpili sa kanilang bayan bilang isa sa magiging tahanan ng Bahay Wika. Aniya, malaking tulong ito sa komunidad ng Mënubù Dulángan dahil magkakaroon sila ng lugar na magsisilbing tahanan ng kanilang wika at kultura.

Nakiisa rin si USM President Dr. Jonald L. Pimentel sa groundbreaking ceremony at pakikipagpulong sa komunidad. Sa kanyang mensahe, ipinahayag niya ang kanyang kagalakan sa proyektong higit pang magpapayaman sa kultura ng Mënubù Dulángan. Hinikayat din niya ang mga kabataan na patuloy na gamitin ang kanilang sariling wika at ipagmalaki ang kanilang pagkakakilanlan.

Samantala, personal na binati at nakipagpulong si KWF Chairperson Atty. Marites B. Taran sa mga miyembro ng IP community ng Senator Ninoy Aquino. Tiniyak niya ang patuloy na suporta ng KWF sa pangangalaga ng wika at kultura ng komunidad. “Kung saan may wika, nandoon ang KWF,” aniya.

Binigyang-diin din ni Dr. Carmelita Abdulrahman, isa sa mga Commissioner ng KWF, na ang wika ang pundasyon ng kultura. Ipinaliwanag niyang kasabay ng pangangalaga sa wika ang pagpapanatili sa kasaysayan, mga tradisyon, at pagkakakilanlan ng isang pamayanan para sa susunod na henerasyon.

Ibinahagi naman ni Dr. Radji A. Macatabon, project leader, ang naging simula ng proyekto sa komunidad ng Mënubù Dulángan. Aniya, noong 2023 pa lamang ay sinimulan na niyang makilala ang komunidad at maingat na sinunod ang tamang proseso sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan bago makisalamuha sa mga miyembro nito. Binigyang-diin niyang ang bawat hakbang ng proyekto ay para sa kapakanan ng komunidad. Dagdag pa niya, hindi magtatapos ang inisyatiba sa pagbuo ng ortograpiya lamang, kundi magpapatuloy hanggang sa paglikha ng iba’t ibang learning materials na magagamit ng mga susunod na henerasyon sa pagkatuto, paggamit, at pagpapanatili ng kanilang wika.

Nagpadala rin ng kinatawan ang DepEd Sultan Kudarat sa aktibidad. Binigyang-diin ni. IPEd Coordinator Benjie Unday ang patuloy nilang pakikipagtulungan para sa ikabubuti ng IP Community. Ipinahayag din niya na malaking tulong ang pagkakaroon nila ng mga guro na kabilang sa IP Community dahil mas magiging epektibo ang kanilang ambag sa pagbuo ng ortograpiya.

Sa orientation, ipinaliwanag ng mga mananaliksik ng KWF ang proseso ng pagbuo ng ortograpiya at ang magiging papel ng bawat kalahok sa buong gawain. Magsisilbing mga manunulat ng ortograpiya ang mga kalahok sa programa. Layunin nitong mabuo ang opisyal na sistema ng pagsulat ng wikang Mënubù Dulángan. 

Kapag natapos ang ortograpiya, magsisilbi itong pangunahing batayan ng DepEd sa pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Sa ilalim ng Republic Act No. 12027, kinakailangang magkaroon ng opisyal na ortograpiya, naitalang talasalitaan, mga sanggunian sa balarila, mga akdang pampanitikan na inilathala ng KWF, at mga kwalipikadong guro ang mga paaralang nagpapatupad ng MTB-MLE sa mga monolingual na klase.

Higit pa sa gamit nito sa edukasyon, makatutulong ang ortograpiya sa pangangalaga ng wikang Mënubù Dulángan at sa pagpapalawak ng akses dito para sa mga susunod na henerasyon, mga mananaliksik, guro, at mga mag-aaral. Magiging daan din ito sa pagbuo ng mga aklat sa balarila, diksyunaryo, kuwentong pambata, at iba pang akdang makatutulong sa patuloy na pagpapanatili at pagpapalaganap ng kanilang wika.

Loynei Frias Sumalinog

Loynei Frias Sumalinog

Loy has a habit of buying books more often than actually reading them. Also, he sets reminder to only drink two cups of coffee in a day, and forgets it every time.
USM, KWF Pinasimulan ang Bahay Wika at Ortograpiya ng Mënubù Dulángan
This website uses cookies to improve your experience. By using this website you agree to our Data Protection Policy.
Read more