
USM, KWF Pinasimulan ang Bahay Wika at Ortograpiya ng Mënubù Dulángan
July 13, 2026
Pinagtibay ng University of Southern Mindanao (USM), Department of Education (DepEd) Kidapawan City Division, at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang kanilang pagtutulungan para mapanatili at mapalakas ang wikang Obu Monuvu sa pamamagitan ng paglagda sa Memorandum of Agreement noong Hulyo 6, 2026 sa University of Southern Mindanao–Kidapawan City Campus, Sudapin, Kidapawan City.
Itinuloy ng kasunduan ang mga naunang hakbang ng DepEd Kidapawan City Division sa ilalim ng Indigenous Peoples Education (IPEd) Program. Kasama ang mga nakatatanda ng Obu Monuvu, sinimulan ng mga guro ng IPEd ang pagbuo ng ortograpiya ng wika. Ang ortograpiya ay ang pamantayang sistema ng pagsulat na magsisilbing batayan sa paggawa ng learning materials at pagtuturo ng wika.



Sinuportahan naman ng DepEd Schools Division of Kidapawan City ang inisyatiba sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Mr. Miguel Fillalan. Ipinahayag niya ang kahandaan ng Dibisyon na makipagtulungan sa USM at mga katuwang na institusyon upang maisulong ang mga programang makatutulong sa mga mag-aaral at Indigenous communities.
Inilarawan ni Fillalan ang inisyatiba bilang isang paglalakbay sa pagbuo ng ortograpiya ng Obu Monuvu at isang paglalakbay na puno ng pagmamahal at inspirasyon. Binigyang-diin niya ang iisang layunin ng mga katuwang na institusyon na matiyak na walang batang maiiwan sa pagkakaroon ng dekalidad na edukasyon sa Kidapawan City.
Ibinahagi naman ni Dr. Alma Belarmino, IPEd Coordinator, ang naging proseso ng pagbuo ng ortograpiya ng Obu Monuvu mula sa mga unang hakbang nito hanggang sa validation process. Kinilala niya ang tulong ng mga katuwang na institusyon, lalo na ang KWF, sa paggabay at pagsuporta sa pagbuo ng sistema ng pagsulat ng wika.
Ipinaliwanag ni Belarmino na isasama ng grupo ang mga mungkahi at napagkasunduang pagbabago mula sa validation bago isumite ang pinal na ortograpiya para sa opisyal na pagtanggap ng mga katuwang na institusyon at ng komunidad ng Obu Monuvu. Kapag naaprubahan, magsisilbi itong pamantayang gabay sa pagbuo ng mga learning materials ng IPEd.

Nagpasalamat naman si Datu Melecio Lambac, Pangulo ng Consultative Advisory Board, sa USM DepEd, at KWF sa pagsuporta sa pagbuo ng ortograpiya ng Obu Monuvu at sa pagkilala sa halaga ng kanilang wika at kultura.

Kinilala rin ni KWF Chairperson Atty. Marites B. Taran ang sama-samang pagsisikap ng komunidad, mga guro, at mga katuwang na institusyon sa pagbuo ng ortograpiya. Binigyang-diin niya na ang wika ay salamin ng pagkakakilanlan ng isang pamayanan at tiniyak niyang magpapatuloy ang suporta ng KWF sa mga inisyatiba para sa pangangalaga ng wika saanman ito kailangan.
“Gaano ka man kalayo ang lugar basta may wika ay naroroon din ang Komisyon sa Wikang Filipino. Iyan po ay dahil ang wika natin ay salamin ng ating pagkakakilanlan,” ani Taran.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Department of Education, mga guro ng IPEd, lokal na pamahalaan, at mga miyembro ng komunidad, maituturo ang ortograpiya hindi lamang sa tahanan kundi maging sa paaralan.
Bago matapos ang kanyang mensahe, nagpasalamat si Taran sa lahat ng nakibahagi at tumulong sa pagbuo ng ortograpiya ng Obu Monuvu.
Samantala, ibinahagi ni Dr. Radji A. Macatabon, Director ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK), na nagsimula ang inisyatiba sa isang simpleng tanong kung paano makatutulong ang sentro sa pangangalaga ng wika at kultura. Sa pamamagitan ng kanyang pagbisita sa KWF at pagkilala sa mga inisyatiba ng mga unibersidad para sa wika, nakita niyang kaya ring maisulong ang ganitong mga gawain sa Mindanao.
“Kaya man gani sang Luzon, at ng Visayas, why not hindi kaya ng Mindanao,” ani Macatabon.
Kinilala rin niya ang suporta nina dating USM President Dr. Francisco Gil N. Garcia at kasalukuyang USM President Dr. Jonald L. Pimentel na kapwa agad tumugon at sumuporta sa mga programa ng SWK para sa wika at kultura.
“Kaya ako nagpapasalamat sa KWF sa kanilang malakas na suporta, lalo na rin sa USM at DepEd Kidapawan… wala akong ibang hangad sa USM kundi ang pagmamahal sa wika at kultura,” ani Macatabon.
Binigyang-diin naman ni KWF Commissioner Dr. Carmelita Abdulrahman ang mahalagang papel ng wika sa pagpapanatili ng kultura at pagkakakilanlan. Kinilala niya ang dedikasyon ng mga lider ng komunidad at mga tagapagtaguyod na patuloy na nag-iingat sa pamana ng kanilang mga ninuno.
“Ang inyong paglilingkod kasama ang pagmamahal ay palatandaan na mahal na mahal ninyo ang kultura, ang pinamana na maaaring ipasa sa susunod na henerasyon. Mawala man ang lahat, huwag lang ang wika at kultura dahil kapag nawala iyan, mawawala ang pagkakakilanlan at pagkakaisa,” pahayag ni Abdulrahman.
Nagbigay ang USM ng academic support sa proyekto, habang inilaan naman ng KWF ang mga language experts nito upang gabayan ang validation at verification ng ortograpiya. Kapag nakumpleto ang mga kinakailangang pagsusuri, ilalathala ng KWF ang opisyal na ortograpiya ng wikang Obu Monuvu.
Bago ang pormal na programa, nagsagawa muna ang mga kalahok ng pamaas sa Bernardo’s Farm and Resort, isang tradisyunal na ritwal ng komunidad ng Obu Monuvu. Nakiisa rito ang mga kawani ng USM, mga opisyal ng DepEd Kidapawan City Division, mga guro ng IPEd, mga nakatatanda, at mga miyembro ng komunidad bilang simbolo ng kanilang sama-samang pangako na pangalagaan ang wika at kulturang dala nito.

Pinagtibay ng paglagda sa kasunduan ang iisang layunin ng USM, DepEd Kidapawan City Division, at KWF na mapanatiling buhay ang wikang Obu Monuvu sa mga susunod na henerasyon. Sa pakikipagtulungan sa komunidad, layon ng mga katuwang na institusyon na mapangalagaan ang wika, mapalakas ang Indigenous education, at mapanatili ang kulturang pamana ng mga Obu Monuvu.
Ilulunsad ang Obu Monuvu Orthography matapos ang karagdagang pagsusuri sa pinal na bersyon at matapos makuha ang pagsang-ayon ng iba pang komunidad ng Obu Monuvu.

