
Dr. Jelly Grace B. Nonesa Conducts Workshop on Astrophysics, Astrochemistry Studies
September 15, 2026
USM Undergraduate, MS Programs Undergo Level IV AACCUP Online Accreditation Survey Visit
September 15, 2026
Nagkaisa ang University of Southern Mindanao (USM) at Department of Education (DepEd) Cotabato Division sa pagsasagawa ng pagsasanay para sa mga non-Filipino major na gurong nagtuturo ng Filipino sa mga secondary school sa Cotabato noong Setyembre 10–11, 2026 sa University Commercial Building ng USM, Kabacan, Cotabato.
Isinagawa ang pagsasanay bilang tugon sa pangangailangang mapalawak ang kaalaman, kasanayan, at kumpiyansa ng mga gurong nagtuturo ng Filipino kahit hindi ito ang kanilang major, ayon sa memorandum ni Dr. Romelito Flores, Cotabato Division Superintendent.
Binigyang-diin ni Tinnah J. Escalona, Education Program Supervisor in Filipino, ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng partnership ng USM at DepEd Cotabato. Aniya, kailangang manatiling bukas ang ugnayan ng dalawang institusyon upang patuloy silang matuto at makinabang sa isa’t isa sa hinaharap.
“Ito ang paraan para mapalawak ang kaalaman ng mga guro sa tulong ng USM. Narito kami upang matulungan ang mga non-Filipinno major teachers sa kanilang mga pangangailangan sa nilalaman, pamamaraan, at estratehiya sa pagtuturo ng Filipino, ” ani Escalona.
Naging isa sa mga tagapagsalita si Dr. Maria Luz D. Calibayan, Dean ng College of Arts and Sciences, na binigyang diin ang kahalagahan ng naturang pagsasanay, lalo na sa pagtugon sa pangangailangan ng mga guro at ng mga mag-aaral sa kasalukuyang panahon.
“Napakaespesyal ng aking tungkulin sa pagsasanay na ito dahil sa pamamagitan nito, natutugunan natin ang mga pangangailangan sa kasalukuyang panahon, lalo na sa paghubog sa mga mag-aaral ngayon,” ani Calibayan.
Hinimok din ni Calibayan ang mga kalahok na yakapin ang pagtuturo ng Filipino at patuloy na matuto sa pamamagitan ng mga pagsasanay.
“Yakapin nila ang pagtuturo ng Filipino. Naniniwala ako na ang pagtuturo ay isang bokasyon. Bagama’t hindi sila Filipino major, lahat naman ay maaaring pag-aralan. Dumalo sila sa mga pagsasanay na katulad nito,” aniya.
Naging lecturer din sa pagsasanay si Dr. Shandra C. Gonsang, faculty member ng Kagawaran ng Panitikan at Wikang Filipino.
Ibinahagi ni Gonsang na mahalagang maibahagi ng mga guro at propesor ang kanilang kaalaman at kasanayan sa mga gurong nangangailangan ng dagdag na suporta sa pagtuturo ng Filipino.
“Kailangan talaga natin silang turuan. Bilang mga propesor, layunin nating maibahagi ang mga natutuhan natin. Tungkulin nating ibahagi ang ating mga kasanayan, at naniniwala ako na habang tumatagal tayo sa ating propesyon, mas nahahasa ang ating karanasan at kakayahan,” ani Gonsang.
Samantala, ibinahagi ni Deciere Cyn Paulmitan, isa sa mga kalahok at Physics major mula sa Kabacan National High School, ang Filipino Sign Language bilang isa sa mga naging mahalagang bahagi ng kanyang paglahok sa pagsasanay.
“Sa pagsasanay na ito ko natutuhan na may wastong mga senyas na ginagamit upang makipagkomunikasyon, at sana ma-apply ko ang lahat ng ito pagbalik ko sa aming paaralan” ani Paulmitan.



Isinagawa ang pagsasanay sa pamamagitan ng Curriculum Implementation Division ng DepEd Cotabato Division, katuwang ang University of Southern Mindanao, bilang bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng dalawang institusyon upang mapalakas ang pagtuturo at pagkatuto sa Filipino.


