
USM Leads Regional Push for Website Enhancement, Global Visibility at CHEDRO XII Workshop
April 28, 2025
USM NSTP-CWTS Students Launch ‘Gabay’ Program to Address Child Malnutrition in Lower Paatan
April 29, 2025
Sa layuning higit pang mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral hinggil sa kultura at panitikan sa pamamagitan ng pananaliksik, matagumpay na itinaguyod ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK), katuwang ang Research and Development Office (RDO) at Gender and Development Office (GAD) ng University of Southern Mindanao (USM), ang kauna-unahang Pagbasa ng Papel Pananaliksik na may temang “Sikad Panitikan: Kultura at Panitikan ng Kaunlaran,” noong Abril 28, 2025, sa University Commercial Building, USM, Kabacan, Cotabato.
Sa kanyang pambungad na mensahe, ipinaliwanag ni Dr. Radji A. Macatabon, Direktor ng SWK, na layunin ng aktibidad ang itaguyod ang kultura ng pananaliksik sa panitikan at kultura. Sa isang panayam, binigyang-diin niya na hangarin din ng SWK na palawakin pa ang programa sa mga susunod na taon sa pamamagitan ng pag-imbita sa iba’t ibang paaralan sa Rehiyon XII upang maipakita ang kanilang mga pananaliksik na may kaugnayan sa panitikan at gender and development.




Isa sa mga tampok na presentasyon ay mula kay Gizelle C. Salazar, estudyante mula sa USM-PALMA, na nagbahagi ng kanyang pananaliksik kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkilala sa iba’t ibang kultura ng mga mag-aaral at ang papel ng mga lider ng paaralan sa pagbibigay ng suporta sa makakulturang pamamahala sa mga silid-aralan.
Ipinahayag naman ni Dr. Debbie Marie Verzosa, Vice President for Research, Development, and Extension, na siya ang nagbahagi ng mensahe ng USM President na si Dr. Jonald L. Pimentel. Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya na sa makabagong panahon ay maraming hamon ang kinakaharap ng kabataang Pilipino, kabilang na ang mas madalas na paggamit ng wikang Ingles kaysa sa sariling wika kahit sa murang edad. Hinikayat rin niya ang kabataan na higit na mahalin at ipagmalaki ang panitikang Pilipino.


Dumalo rin sa programa ang mga opisyal mula sa mga katuwang na tanggapan ng SWK, kabilang sina Dr. Lydia C. Pascual (Direktor, RDO), Roselyn M. Clemen, RN, JD (GAD Focal Person), at Dr. Arthur P. Casanova (Direktor, Komisyon sa Wikang Filipino) na nagbahagi ng mensahe sa pamamagitan ng bidyo.
Ang nasabing aktibidad ay isinagawa bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan ng Pilipinas ngayong Abril, na naglalayong higit pang pasiglahin ang pag-aaral at pagpapalaganap ng kulturang Filipino sa mga institusyong pang-akademiko.
Anchielo Diaz, Ellysa Paeldin | USM DevCom Interns