USM ESO strengthens ties with partners, launches “UGNAYAN NATIN”
April 11, 2021Dr. Abdula: The New RRDCC Chair
April 16, 2021Ngayong araw, April 13, 2021, ang ikatlong taong anibersaryo ng ating paggunita sa kabayanihan ni USM Founder Bai Hadja Fatima Matabay N. Plang.
Ang deklarasyon ay sa bisa ng Provincial Ordinance No. 624 na inakda nina board members Jonathan Tabara at Rosalie Cabaya noong 2019 na nagtatakda sa April 13 ng bawat taon bilang Hadja Bai Fatima Mabatay Plang Day sa buong lalawigan.
Kung si Jose Rizal sa kanyang Noli me Tangere ay nangarap na magkaroon ng paaralan sa kanyang sariling bayang San Diego, gayundin ang ating mahal na tagapagtatag ng MIT na ngayo’y USM.
Sa nasabing batas nakasaad ang pagkilala sa malaking kontribusyon ni Mother Bai sa kaunlaran ng buong lalawigan kung saan hindi lamang ang USM ang kanyang naitatag bago siya namatay kundi maging ang Cotabato Foundation College of Science and Technology (CFCST) na matatagpuan sa Doruluman Arakan at ang Mindanao Foundation Academy, isang pribadong paaralan na pinatatakbo ng kanyang naiwang kaanak sa bayan ng Pikit.
Bilang pagtanaw ng utang na loob sa kabayanihan at kadakilaan ng kanyang puso, naghanda ang pamantasan ng virtual at aktwal na programa sa kanyang Landmark ngunit dahil sa nararanasan nating pandemya, limitado lamang ang mga panauhin.
Tampok sa maikling programa ngayong araw ang pagpapalipad ng lobo na sumisimbolo sa ating taos-pusong pasasalamat sa kadakilaan ng ating tagapagtatag.
Pangungunahan ito ng ating kapita-pitagang pangulo ng pamantasan na si Dr. Francisco Gil N. Garcia. Itatampok din sa nasabing programa ang natatanging obra ng kilalang kompositor ng ating pamantasan na si Prof. Salik Makakena, ang kanyang orihinal na komposisyon na Oda para kay Mother Bai.
Ang Oda ay isang tulang liriko na may mensahe ng pagbibigay-pugay sa isang mahal sa buhay. Inasahan ding dadalo sa programa ang ilang lider ng ating bayan at lalawigan at mga kinatawan ng tri peoples- Indigenous peoples group, muslim at kristiyano.
Tunay ngang karapat-dapat na siya’y turingang bayani dahil sa likas niyang katangian na MAPAGPAHALAGA SA KAPAKANANG PANLAHAT. Dahil sa kanyang inadhika, hindi na mabilang ang umangat ang buhay. Alalahanin natin na hindi tayo makararating sa talagang gusto nating marating kung hindi natin lilingunin at tatanawan ng utang na loob ang nagpasimula kung bakit tinatamasa natin ngayon ang kaginhawaan sa buhay. Maligayang pagdiriwang ng kabayanihan ni Bai Hadja Fatima Matabay N. Plang.